HALIMAW

Pailing-iling na ulo at pakunot-kunot na noo. Iyan ang aking masasabing lumutang kong reaksiyon patungkol sa maikling nobela ni Levy Balgos de la Cruz na pinamagatang “Ritwal”. Napakarami nitong natalakay na isyung panlipunan kung ihahambing sa mga naunang panitikang pinabasa sa amin noon. Isinabay pa ito sa napakagandang takbo ng istorya na madadala ang mga mambabasa at maaakit basahin ng tuluyan dahil sa pakanapanabik na kasunod na kwento nito.

Hanga ako sa istilo ng manunulat sa kung paano niya inilatag lahat ng gusto niyang ibahagi sa kaniyang maikling nobela. Kapansin-pansin ang mga paglalarawan niya sa paligid na nakatutulong upang paganahin din ang imahinasyon ng mga mambabasa. Bukod pa roon ay marami ring mga metapora sa likod ng mga paglalarawan niyang iyon na sa pagpapatuloy ng kwento ay mapagtatanto kung ano nga ba ang nais ipakahulugan ng may-akda. Dagdag pa sa kaniyang istilo ang pagbuo ng mga tauhan sa kwento at masining na pagpapaikot sa mga ito –  ito ay nakathird-person view.

Para sa akin ay hindi binalak ng manunulat na itago ang mga isyu na nais niyang ipagbigay alam sa mga mamamayan. Malinaw niyang ipinakita ang mga ito sa takbo ng istorya at may kasama pang pagpapaliwanag. Unahin na natin ang sa tingin ko ay pinakamahalaga o pangunahing isyu sa maikling nobelang ito. Kamangmangan ng mga tao. Dito nag-uugat ang panlilinlang ng mga nakatataas sa ating mga kababayan. Sa mga lugar na tulad ng Santo Sepulcro ay hindi ito binibigyan ng halaga ng gobyerno kaya walang mga pasilidad lalo na mga paaralan. Kung sabagay, bakit nga ba maghahanap ng pamukpok sa sarili nilang ulo ang mga tao sa gobyerno? Bakit nila bibigyan ng oportunidad na matuto ang mga tao kung alam nilang baka sa huli ay kalabanin pa sila kapag tumalino?

Sa takbo ng istorya sa nobelang ito ay nabilog ang ulo ng mga tao ni Maestro Gido dahil mga wala silang alam sa panggagamot at iba pang tungkol sa kalusugan. Kung sino ang lumalabas na may alam sa baryo ay siya ang may kapangyarihan at pinaniniwalaan. Madaling pasukan ng iba’t ibang paniniwala ang mga tao sa lagay nila. Gayundin ang nangyayari sa lipunan na pinamumukha ng mga opisyal ng gobyerno na sila ang may alam ng kung anong makabubuti para lahat at ang mga tao naman ay sunud-sunuran na lamang. Kapag walang nalalaman ang tao ay ikapapahamak niya ito at ng buong bayan. Napakahalaga ng kaalaman para hindi tayo maapi ninuman. Kapag may alam ka ay hindi ka nila basta basta magagapi dahil may panangga kang dunong. Kung hindi maasahan ang mga nakatataas sa pagbibigay ng edukasyon, ang mga tao nalang ang dapat na sumubok umalam ng mga bagay-bagay. Gumawa ng sariling oportunidad na hindi kayang maibigay ng gobyerno sa mga tao. Wala rin naman kasing ibang aasahan maliban sa mga taong busilak ang puso upang ang mga gustong matuto ay matulungan tulad nila Lorie at Emman sa maikling nobela.

Bukod sa pangunahing isyu na yan ay nakapaloob din sa “Ritwal” ang tungkol sa relokasyon at rehabilitasyon. Kahit saan-saan nalang nila itinatapon ang mga tao kung sa tingin nila ay wala nang pakinabang sa lipunan. Kasama rin ang isyu sa mga mapagbalat kayong mga opisyal ng gobyerno at ilang mga alagad ng simbahan. Kung eleksyon lang ay parang mga angel na nagsipagbaba mula sa langit at kapag nanalo na ay parang mga nakawalang halimaw pala. Ngunit ang mga ito ay may mas kinatatakutan pa palang ibang kulay kaysa sa kanila at sila ay nahahawakan pa sa leeg. At tulad sa maikling nobela ay madalas ding napapaikot nila ang batas at kayang baliktarin ang mga malilinis ang kamay gaya ng nangyaring pagdakip sa mga taga-Santo Sepulcro at sa dalawang guro na sila raw ay mga kalaban ng gobyerno. May mga alagad din ng simbahan na sila pa mismo ang gumagawa ng mga imoralidad sa tao. Magiging maamong tupa lang ang mga yan kung may kailangan sila sa mga tao na pabor sa pansarili nilang interes. Nasa kwento rin ang kakulangan ng mga propesyonal sa mga lugar na kinakailangan sana sila gaya ng mga liblib na lugar na hindi na naaabot ng gobyerno. Tulad ng mga doctor na sila sana ang gumagamot sa mga may sakit kaysa sa mga albularyong minsan ay huwad pang manggagamot at mga mapagsamantala.

Sa mga nabanggit na mga isyung natalakay sa maikling nobela ay agad na masasabing maganda itong panitikan at karapat-dapat basahin. Siksik ito ng mga mapamulat na isyung panlipunan at pagpapakita ng tunay na kulay ng mundong ating ginagalawan. Bukod pa ito sa istilo ng panunulat ni Levy Balgos de la Cruz na isa rin naman talagang dapat kahangaan sa akda. Ngunit sa aking pakiwari ay nararapat siguro na hindi masyadong nilaliman ang mga salitang ginamit kahit pa ito ay makapagpapaganda sa akda. Ang ibang babasa ay maaaring hindi maintindihan ang ilang mga salitang ginamit dito na magdudulot marahil ng kanilang kalituhan sa maikling nobelang ito.

Published by shallecalvadores

Sabay sabay nating pasukin ang mundo ng panitikan.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started