PROSA

Muli na namang sumapit ang Biyernes. At kapag Biyernes, ako’y palaging nasasabik dahil batid kong marami na naman akong bagong aral na mapupulot patungkol sa panitikan. Ang paksang aming napag-usapan para sa talakayan ay ang akdang isinulat ni Nancy Kimuell-Gabriel na pinamagatang “Kubeta”.

Kung babasahin sa simula, aakalahing parang isang nanay na nagrereklamo lamang tungkol sa banyo ang bida sa kwento. Isang nanay na ayaw na ayaw na makitang marumi ang kanilang kubeta. Nakaaaliw pang basahin dahil nagagawa ng manunulat na gumamit ng katatawanan sa isang seryosong usapin kaya naging magaan ang daloy ng kwento sa mga paunang talata. Ngunit habang patuloy ang takbo ng istorya ay mapapansing hindi lamang pala isang maliit na suliranin ang pinapaksa ng akda. Ito ay isang malaki at malawakang problema na iniinda ng ilan nating kababayang naghihirap.

Naging maganda at swabe ang pagkukwento ng manunulat tungkol sa problemang kinakaharap niya at ng Pilipinas. Mula sa sariling kwento ng buhay niya tungkol sa kubetang pinagsasaluhan nilang magkakapit-bahay ay pinakita niyang hindi lamang sila ang dumaranas nito. At nagawa rin ng akda na makapagsabi ng ilang mga datos na makapagpapatunay na totoong nangyayari ito sa ilang mga Pilipino. Ang kwentong sa simula ay napapangiti ako, napakunot noo naman ako nito nang matauhang ito’y malalang problema ng Pilipinas. Nagawang ipalabas lahat ito ng manunulat na si Nancy sa kanyang akdang aming binasa. Malinaw na ang istilo ng kaniyang pagsulat ay talagang kahanga-hanga.

Inuunawa ng manunulat ang pinagdaraanan ng mga mamamayang kapus-palad, kung bakit din nila ginagawa ang kanilang mga kinikilos at kung ano ang nag-impluwensya sa kanila rito – ito ay tinatawag na contextualize. Hindi maitatangging isang magandang akda ang “Kubeta” dahil nanggaling ang mismong manunulat sa buhay na ito kung kaya’t may mas alam siya o may karanasan dito na nakapagbigay ng mga ideya at idagdag pa ang kaniyang kagalingan sa pagsulat. Hindi siya nabibilang sa mga taong aware lamang na alam ang kanilang pinagdaraanan ngunit wala namang ginagawa upang ito ay mabago kahit kaunti. Totoo ngang may kasalanan ang gobyerno sa dinaranas nilang ito. Subalit kahit papaaano ay may parte pa rin silang dapat gampanan upang maging isang responsableng mamamayan. May aksiyon pa rin sana silang ginagawa upang mabawasan ang kadugyutan ng kani-kanilang kubetang pinaghahatian. Si Nancy ay conscious sa suliraning ito. Ang pagsusumikap niya upang makaalis sa ganoong sitwasyon at iwasang maranasan ulit ang pangyayaring iyon ay isa nang malaking hakbang at pagbabago. Sa kubeta nilang pamilya ay puspusan din ang paglilinis niya dahil ayaw na niyang maulit ang nakaraan. Ang pagsulat din ng akdang “Kubeta” ay maituturing na kaniyang naging mahalagang aksiyon upang makarating sa lahat na ang palikuran ay batayan din ng kalagayan ng lipunan at ito ay hindi dapat isawalang bahala.

Sa akdang ito ay mamumulat tayo sa mga ganitong diskurso. Napagandang basahin ng “Kubeta” lalo pa’t nabigyan niya ng panibagong mukha ang isyu sa lipunang matagal na nating alam. Oo nga’t laganap ang kahirapan ngunit sa akdang ito ay mababatid na hindi lamang kakulangan sa pera ang kahulugan ng kahirapan. Isa na ang kubeta sa mga bagay na makapagsasabing naghihirap ang ating mga kababayan. Kapansin-pansing nabigyang hustiya ng manunulat ang akda dahil na rin sa istilo ng pagsulat nito – na tinatawag na prosa. Bukod pa sa kagandahan ng nilalaman nito ay kakaiba rin ang naging istilo ni Nancy sa kaniyang naging akda na magandang mabasa ng nakararami.

Published by shallecalvadores

Sabay sabay nating pasukin ang mundo ng panitikan.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started