BAGONG TAON, BAGONG KAALAMAN

Hindi ako palabasang tao. Nagkakaroon lamang ako ng pagkakataon na makapagbasa kung ako’y nagkaroon ng interes sa babasahin ngunit bibihira lamang din iyon mangyari sa akin. Mas pipilin ko pa ang manood ng pelikula ng kwentong nasa libro kaysa basahin ito. Ngayon na ako’y kolehiyo na, marami akong napagtanto na hindi na ako dapat ganito lamang at lalo na’t maayos na naipakilala sa amin ang mundo ng panitikan. Para bang gusto ko itong pasukin dahil sa mga kahalagahang taglay nito hindi lamang sa bawat tao kung hindi pati na rin sa lipunan. Nang aking mabasa ang maikling kwento ni Eli Guieb na Kasal ay agad na akong nanabik sa iba pang akda na aking mababasa sa mga susunod pang mga klase. Para sa akin ay magandang panimula iyon sa pagpapakilala sa amin kung gaano kaganda ang panitikan. Simpleng kwento lamang ngunit bagong bago ang pananaw o konseptong hatid sa mga tao. Nakatutuwang isipin na sa isang maikling kwento lamang ay marami akong napulot na aral. Dito pa lamang ay napukaw na ang aking interes sa panitikan.

Bukod sa nagbibigay ang panitikan ng mga bagong pagtingin sa mga bagay-bagay ay may mga iba pa akong natutunan tungkol dito. May malaking pagkaka-iba pala ang kwento sa maikling kwento. Kung karaniwang pag-uusap lamang ang nangyayari at ito ay payak, yun ang kwento na nagagawa ng lahat ng tao. Sa kabilang banda ay mayroon namang suliraning nilulutas ang maikling kwento at inilalahad ito na gamit ang pagkamasining ng isang manunulat. Kung baga ay para itong pagpapakahulugan sa pagsasalita at pagsasabi. Ito ay nabanggit ng tanyag na manunulat na si Mario Vargas Llosa sa isang gabay na ibinigay ng aming propesor at sinabi niyang “…makapagsasalita sila ng marami ngunit makapagsasabi lamang ng kaunti..” na pumapatungkol sa kakulangan ng kaalaman sa panitikan. Samakatuwid, ang pagsasalita ay parang nagkukwento lamang na maaaring may simula, gitna, at wakas ngunit walang nireresolbang problema. Ang maikling kwento naman ay mas makahulugan dahil may inilalahad itong suliranin at solusyon. Ang manunulat nito ay nakapagsasabi at hindi lamang nagsasalita. At kung gagawa naman ng isang sulatin na walang pumapaloob na problema ay tinatawag itong sanaysay o essay. Ang creative non-fiction naman ay para lamang essay ngunit nagkukwento ito sa bagong masining na pamamaraan.

Ilan lamang ang mga iyan sa aking mga napulot na aral sa aming nakaraang pagtatalakay ng panitikan bukod pa sa kung paano tumingin ng magandang akda. Sa susunod na mga klase naming magaganap ay ano pa kaya ang aking mga matututunan sa panitikan?

Published by shallecalvadores

Sabay sabay nating pasukin ang mundo ng panitikan.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started